Infinito: Salinlahi-Chapter 58
Chapter 58 - 58
Inihampas ni Dumara at Liyab ang hawak nilang kadena, naglikha iyon ng nakakabinging dagundong sa lupa. Gumuhit ang nakaririnding tunog, tila ba pinupunit ang lupa. Mula sa pinaghampasan ng kadena, isang uka ang kanilang nalikha at mula sa ukang iyon, nagsulputan ang mga buhay na baging na animo'y naghihintay lang sa utos ng dalawang engkanto.
Napalingon naman at napabaling si Esmeralda sa gawi ni Antonio, tila ba hinihigop ng katawan nito ang lahat ng kasamaang makukuha niya mula sa lupa. May kung anong itim na usok na pumapasok sa kaniyang pagkatao at sa bawat usok na iyon ay lalong tumitindi at lumalakas ang puwersang nararamdaman niya mula rito.
"Ate, nasabihan ka na ba ni Kuya Liyab, tayo ang magdudulot ng pisikal na sugat sa hanagob at sila ang bahalang humuli rito. Hindi natin siya mapapatay dahil nasa katawan niya ang pinakamatandang itim na engkanto na nabuhay sa mundong ito." wika ni Dodong nang makalapit na siya rito. Tumango si Esmeralda at agad na inihanda ang kanyang kalis. Ipinasadya pa niya ito sa kaibigan ni Ismael na isang panday upang magamit niya sa oras ng pangangailangan. Palagi lang iyong nakabalot sa isang lumang tela at nakasabit sa kaniyang likod kapag nangangaso siya.
"Handa na ako, tapusin na natin ang misyong ito Dodong," wika ni Esmeralda at sabay pang gumuhit ang nakakalokong ngiti sa kanilang mga labi.
Gamit ang natutunan sa hinaba-haba ng kanilang pagsasanay, mabilis silang kumilos at inatake ang nilalang. Wala na silang sinayang na oras, magkabilaan nilang tinaga ang hawak na patalim ang katawan ni Antonio. Subalit, ang bilis nilang iyon na halos maihahalintulad mo na sa hangin ay hindi pa rin umubra kay Antonio.
Walang kahirap-hirap na nasalo nito ang kanilang mga atake. Nagmistulang bakal ang kamay nito na halos hindi man lang nagkagalos nang tamaan ng talim ng kanilang mga sandata.
Sabay na umatras ang dalawa, naglikha sila ng tamang distansya mula sa kalaban bago sila umatake. Ulit.
Hindi nila ito tinantanan. Patuloy lang silang umatake, hindi nila iniinda ang paulit-ulit nilang pagkabigo. Iisa lang ang nasa isip nila. Masugatan ito at magkaroon sila ng pagkakataong malapatan ito ng akonito na siyang magpapahina sa nilalang. Habang ang dalawang engkanto naman ay nagpapalipad ng mga orasyon sa hangin bilang suporta sa kanilang dalawa.
Walang pag-aatubiling nagsaboy ng likido si Esmeralda sa lupa at itinarak doon ang kaniyang kalis, kasabay ng mabilisan niyang pag-uusal ng dasal para sa kombate pisikal.
Matapos ang mabilis na ritwal, hinugot ni Esmeralda ang kalis sa lupa at muling dinaluhong ng taga si Antonio. Tinamaan niya ito sa balikat ngunit tila tumama lang sa goma ang talim nito. Nangunot ang noo ni Esmeralda dahio kahit ang pinakamatinding orasyong alam niya ay hindi pa rin umuubra.
"Ate, kung kung tumatalab ang kombate pisikal, bakit hindi natin subukan ang espiritual?" Suhestiyon ni Dodong at kumislap ang mga mata ni Esmeralda.
Huminto sila sa pag-atake, dumistansiya sa kalaban at sabay na nag-usal ng dasal para kombate espiritual. Sabay nilang iginuhit sa ere ang kanilang mga simbolo at gamit ang espiritual na lakas ng kanilang mga gabay, gunamit nila itong pambalot sa talim ng kani-kanilang mga sandata.
R𝑒ad lat𝒆st chapt𝒆rs at free𝑤ebnovel.com Only.
Dumadagundong ang halakhak ng nilalang na kalaban nila sa kadilkman ng gabi. Walang kapares ang bangis ng wangis nito, higit na mas malakas ito sa mga nauna na nilang nakasagupa noon. Maging si Esmeralda ay aminado na ito na ang pinakamalakas sa lahat ng aswang na nakalaban niya.
Matapos magpakawala ng malalim na hininga, kisapmata lamang ang pagitan nang marating nila ang nilalang at sabay na iniunday ang kanilang mga sandata. Magkabilaan ang kanilang naging atake, subalit sa pagkakataong iyon, nagawa nilang maunahan ang kamay nitong sasangga sana sa kanilang mga atake.
"Ito na nag simula mg katapusan mo. Magsimula ka ng magdasal sa kung sinong dem*nyo man ang sinasamba mo!" Sigaw ni Esmeralda sabay taga ng kalis sa braso nito habang si Dodong naman ay pinunterya ang binti nito.
Walang nagawa ang nilalang nang sabay ring gumuhit ang talim sa kaniyang kalamnan. Tumilamsik ang maitim nitong dugo sa lupa at iyon na ang naging hudyat sa dalawa para sabuyan ito ng langis na nilagyan ng akonito.
Malakas na atungal ang kumawala sa nilalang dahil sa sakit na idinulot ng akonito rito. Hindi na nagsayang pa ng pagkakataon ang dalawa at sunod-sunod na pinaulanan ng taga si Antonio. Bawat taga ay kasabay rin ng pagsaboy nila ng akonito rito.
Dahil doon ay nagsimula nang manghina at bumagal ang kilos ni Antonio. Nagawa ring tusukin ni Dodong ang isang mata nito dahilan para lalo itong magwala nang wala sa katinuan nito.
Hawak ng isang kamay ang nasaktang mata, walang direksyong iwinasiwas naman nito ang hawak nitong sandata. Kung ano-ano na lang ang natatamaan nito hanggang sa tuluyan niya iting maibaon sa lupa at hindi na mahugot pa dahil na rin sa pagpulupot ng mga baging rito.
Wala na iting nagawa kun'di ang bitawan ang sandata at gamitin na lamang ang kamay upang atakihin sina Esmeralda at Dodong.
Ngunit sa halip na mabahala, napangisi ang dalawa, mula sa kaliwang kamay nila, kumuha sila ng tig-iisang dakot ng pulbos ng akonito na hinaluan pa nila ang pulbos ng bawang na dinasalan naman ng mga albularyo. Walang pagdududa nila itong isinaboy kay Antonio na siyang lalong nagpahina rito.
"Mga walang kuwentang nilalang. Lahat kayo ay tatapusin ko. Humanda kayo, hindi pa rito nagtatapos ang laban ko!" Sigaw nito at pilit pa ring nagwawala.
Nang makakita ng oagkakataon si Dumara at Liyab, agad na silang kumilos at hininto ang pag-uusal. Sabay nilang ikinumpas ang kanilang mga kamay at saka inihampas ang kadena sa katawan ni Antonio.
Mabilis na gumapang ang dulo nito at pumulupot sa katawan ng nilalang. Pilit pang nagpumiglas si Antonio ngunit muli lang siyang pinaliguan nina Esmeralda at Dodong ng akonito.
Maya-maya pa ay huminto ito sa pagwawala at tuluyan na ngang nawalan ng lakas. Hindi na nito magawang kumilos, bukod sa pag-angil at paggigit ng mga pangil niya ay wala na siyang ibang nagagawa pa.
"Ayos, ate, ang galing ng huling tira mo kanina. Grabe, ganito pala ang pakiramdam kapag nakalaban ka ng isang malakas na nilalang." Sambit ni Dodong.
Natawa naman si Esmeralda at muli ng binalot ng tela ang kaniyang kalis bago ito ibinalik sa pagkakatali sa likuran niya.
"Ikaw rin naman, magaling rin ang naisip mong bulagin ang isa niyang mata. Mabuti na lang talaga at naisip mo ang kombate espiritual."
"Iyon kasi ang bilin ni lola, kapag ang isang nilalang hindi tinatamblan ng orasyong pang pisikal, gamitan mo ng orasyong pang espiritual. Balot siya ng proteksyon mula sa gabay ng itin na engkanto kaya naisip ko na baka espiritual na lakas ang kailangan natin."
Napangiti naman si Esmeralda sa sinabi ng bata. Sa mura nitong edad, nakamamanghang napakatalas ng memorya nito. Marahan niyang hinaplos ang ulo ni Dodong at ginulo ng bahagya ang buhok nitong may kahabaan na.
"Kaya nga mabuti na lang at naalala mo." Tugon ni Esmeralda at bumaling naman sa dalawang engkantong may hawak ng kadenang nakagapos kay Antonio.
"Salamat sa tulong niyo, Liyab, Dumara. Kinagagalak kitang makilala." Bati ni Esmeralda sa babaeng engkanto.
Nagningning nag mga mata ni Dumara at agad na nilapitan si Esmeralda. Tila may kung ano ito g inamoy sa buhok ng dalaga bago sumilay ang malapad na ngiti sa kaniyang magagandang labi.
"Kinagagalak ko rin na makilala ka Esmeralda." Makahulugang tugon nito, saka bumaling kay Dodong at hinaplos ang pisngi ng bata.
"Magaling ang ginawa mo Dodong, natutuwa akong lumalaki kang malakas ang pag-iisip. Hinahantay ko ang pagbabalik mo sa ating mundo. Sa tamang oras, muli na tayong magkakasama. " Saad naman niya kay Dodong.
"Hindi pa oras, pero babalik ako sa mundo natin Dumara, pangako 'yan. Kasama ko naman si Hagnaya, kaya hindi mo kailangang mag-alala sa akin. Siya nga pala, ano na ang gagawin niyo sa nilalang na iyan?" Tanong ni Dodong at napangiti naman si Liyab.
"Muli siyang lilitisin, isasailalim siya sa isang ritwal ng paglilinis, ihihiwalay ang katawang lupa niya sa engkanto niyang gabay, nang sa gayo'y, malitis sila ng magkahiwalay."
"Gano'n ba, sabagay. Tama lang naman na maparusahan sila. Grabe ang ginawa nila sa mga tao rito. Maging sa mga engkantong walang kalaban-laban. " wika pa ni Dodong.
"Magpahinga na kayo, bumalik na kayo sa mga kasamahan niyo. Kami na ang bahala sa nilalang na ito. " Sambit ni Liyab at agaran din ang paglaho ng mga ito kasama ang kanilang bihag.
Nagkatinginan pa si Dodong at Esmeralda bago parehong napakibit-balikat.